MANILA, Philippines - Sa oras na magpalabas ng warrant of arrest sa kasong plunder at ikulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame sina Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla ay maaari pa ring gampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin.
Ito ang tiniyak kahapon ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac matapos i-raffle na ng Sandiganbayan ang kaso laban sa tatlong senador.
Subalit, may konting limitasyon na ipatutupad laban sa mga akusadong solons tulad ng pagbabawal sa lahat ng uri ng gadgets gaya ng laptop, cellular phones, Ipads at iba pang kauri nito.
Maaari, anyang makipag-usap ang mga senador sa kanilang mga staff sa visitors lounge ng custodial center at isusulat na lamang sa papel ang mga mapag uusapan dahil kahit mga bisita ay hindi din papayagan na makapagpasok ng mga gadgets.
Sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG ) na mag-isyu ng warrant of arrest ang anti-graft court laban sa tatlong akusadong senador.