MANILA, Philippines - Inakala ng isang 6-anyos na batang lalaki na ang nakuhang baril sa drawer ng ama ay isang laruan kung kaya’t ipinutok niya ito sa ulo ng 4-anyos na kapatid na kanyang kalaro naganap kamakailan sa Olongapo City.
Ang biktima na idineklarang dead on arrival sa St. Jude Hospital dahil sa tama ng bala ng kalibre 45 sa ulo ay itinago sa pangalang Junjun, 4-anyos.
Halos tulala naman ang kuya na itinago sa paÂngalang Aljohn nang makitang duguang bumagsak ang kapatid.
Sa salaysay ng ama ng magkapatid na si Eder Villarin, 35, driver sa Customs Port of Subic, Subic Bay Freeport Zone na kamakalawa lamang niya naireport sa pulisya ang pangyayari dahil sa sobrang depresyon sa nangyayari sa kanyang pamilya.
Batay sa ulat, dakong alas-5:45 ng umaga sa loob ng bahay ng pamilya Villarin na matatagpuan sa #2710 Rizal Avenue, Upper Sibul 1, East Bajac-Bajac ng lungsod ay kasalukuyang natutulog ang ama nang magising ito sa malakas na putok ng baril.
Nang alamin ang pinagmulan ng putok ay nakita nito na duguang nakabulagta ang bunsong anak na si Junjun habang si Aljohn naman ay nakatulalang umaagos ang luha at nasa tabi nito ang cal. 45 pistol.
Sa imbestigasyon ng pulisya ang nasabing baril ay pag-aari ni Jhobal Sebarrotin, 30-anyos, residente ng Botolan, Zambales at ipinatago lang sa ama ng magkapatid dahil kaibigan ito.
Itinago ng ama sa drawer ng cabinet sa kanilang bahay at dahilan sa sobrang kalikutan ay nakita ng paslit nitong anak na inakalang laruan kaya ipinutok sa kaniyang nakababatang kapatid.