MANILA, Philippines - Isang hotel owner ang pinagbabaril ng dalawang hired killers habang ito ay nag-aalmusal sa loob ng kanyang pag-aaring hotel sa Zamboanga City kahapon ng umaga.
Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Western Mindanao MeÂdical Center ang biktima na si Hadja Salwa Kaman Julwadi, 48-anyos, may-ari ng Hotel Salwa na matatagpuan sa kahabaan ng Governor Camins Road ng lungsod na ito.
Habang patuloy namang nilalapatan ng lunas ang nasugatang guwardiya na si Michael Tista.
Dalawa sa mga suspek na naaresto habang tumatakas na kinilalang sina Ernesto Angeles Bello at Silbert VillaÂreal; pawang residente ng Vitali District sa lungsod.
Batay sa ulat, dakong alas-9:20 ng umaga ay kasalukuyang nag-aalmusal ang biktima sa loob ng pag-aari nitong hotel nang dumating ang dalawang lalaki na kapwa armado ng cal. 45 pistol at pumasok sa nasabing hotel.
Agad na pinagbabaril ang biktima at habang patakas ay binaril rin ang guwardiya sa may entrance ng hotel.
Lumalabas sa imbesÂtigasyon ng pulisya na rido ang motibo sa krimen at binayaran ang mga suspek ng P50,000 para itumba ang negosyante.
Nakuha sa mga suspek ang litrato ng biktima na dala ng mga ito upang matukoy kung sino ang kanilang itutumba.