MANILA, Philippines - Halos hindi na makilala ang tatlong babae matapos pagbabarilin ang mga mukha nito at pagkatapos ay iniwan ang kanilang mga bangkay kahapon sa pampang ng Magat River, Bambang, Nueva Vizcaya.
Walang nakuha ang mga otoridad na anumang pagkakakilanlan tulad ng ID sa katawan ng tatlong biktima.
Batay sa ulat, bandang alas-5:45 ng umaga nang madiskubre ng mga residente ang nasabing mga bangkay may 150 metro ang layo mula sa highway ng Brgy. Indiana ng bayan ng Bambang.
Pawang nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa kanilang mga mukha na halos nawasak sa insidente.
Dalawa sa mga biktima ay narekober na magkatabi ang bangkay habang ang ikatlo ay natagpuan naman may 10 metro ang layo sa kaniyang mga kasamahan.
Walang mga personal na kagamitan ang mga biktima tulad ng mga bag, wallet at maging identification card kaya hirap pa silang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga ito.
Lumalabas sa ulat, bago ang pagkakadiskubre sa mga bangkay ay inihayag ng mga residente na bandang alas-2:00 ng madaÂling araw nang makarinig sila ng mga putok ng baril mula sa lugar malapit sa kinatagpuan sa bangkay ng mga biktima.
Natagpuan rin sa lugar ang mga packaging tape, basyo ng mga bote at mga lata ng beer na nagkalat sa crime scene.