3 BIFF todas sa atake

MANILA, Philippines - Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi matapos na silatin ng tropa ng militar sa kanilang ginawang pag-atake sa magkakahiwalay na insidente sa bayan ng Shariff Saydona, Maguindanao kamakalawa.

Batay sa ulat, bandang alas-8:15 ng gabi nang magpaulan ng bala ang mga nakaposisyong BIFF sa command post ng 61st Division Reconnaisance Company sa nasabing lugar.

Mabilis namang nagdepensa ang mga sundalo na nauwi sa palitan ng putok na tumagal ng halos isang oras na ikinasugat ng isang enlisted personnel ng Phil Army.

Napilitan namang gumamit ng mortar ang mga sundalo matapos paulanan sila ng rockets at puntiryahin ng assault rifles nang sumasalakay na BIFF rebels.

Mabilis na nagsitakas ang mga bandido  matapos na malagasan ng tatlo sa kanilang panig.

Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Dickson Hermoso, na­bigo ang BIFF rebels na makubkob ang Army post ng militar sa pag-atake sa Brgy. Ganta, Shariff Saydona matapos na maki­pagpalitan ng putok ang mga sun­dalong nakabantay dito.

Samantala, bandang alas-12:05 naman ng madaling-araw nang iharass din ng BIFF bandits ang Moro National Libe­ration Front (MNLF) community security base sa Brgy. Damabalas, Datu Piang, Maguindanao sa ilalim ng pamumuno ni Commander Quiapo Dalandas at Leki Angas na kung saan ay nasugatan ang sibilyang si Bai Saida Lakim, 35.

Lalong pinaigting ng militar ang seguridad upang masawata ang posible pang pag-atake ng mga bandidong BIFF.

 

Show comments