MANILA, Philippines - Biktima ng mga kawatan na ativan gang ang isang 24-anyos na Spanish national at natangayan ng kanyang dalang salapi ng ipasyal sa ibat-ibang lugar sa Maynila, noong Biyernes.
Sa reklamong inihain sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ng biktimang si Alberto Vilar, pansamantalang nanunuluyan sa #1750 Wanderer’ s Guest House sa Adriatico, Malate, Maynila, nagising na lamang siya na nasa loob ng kaniyang tinutuluyang hotel at wala na rin ang dala niyang P10,000 cash at Euro na 1,000 .
Sa pagkakatanda ng biktima, nagpakilala sa kanya ang apat na babaeng sina Elena, 65; Isabela, 55; Salvatora, 30 at isang may-ari ng pinuntahang bahay na si Gina Pastor at hindi kilalang lalaki na residente umano ng P. Herrera St., Tondo, Maynila.
Nagsimula umano ang pangyayari nang lapitan siya ng matatandang babaeng suspek habang naglaÂlakad siya sa M. Adriatico sa Malate noong hapon ng Hunyo 6.
Dahil sa mababait ay natuwa umano siya sa pakikipagkaibigan ng mga ito hanggang sa yayain siyang ipasyal sa Quiapo at Avenida.
Nang mapagod ay niyaya pa siya sa bahay ng suspek na si Pastor dahil may handa umano sa birthday nito at doon sila kumain at uminom ng alak.
Nakaramdam umano siya ng hilo at hindi na niya alam ang sumunod na pangyayari at nalaman niyang inihatid siya ng isang taxi sa kaniyang tinutuluyang hotel.
Natatandaan niya umano ang mga histura ng mga suspek kung muli niyang makikita.