Tsinoy tinadtad ng ice pick ng mag-utol

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay ang isang 36-anyos na Tsinoy matapos na siya ay saksakin ng ice pick ng isang magkapatid na may matagal ng galit sa kanya naganap kamakalawa sa Pasay City.

Ang biktima na nasawi dahil sa sampung saksak ng ice pick sa katawan ay kinilalang si  Kristoffer Chan, 36, empleyado, residente ng #1745 Cuyekeng St.,

Agad na naaresto ang magkapatid na suspek na sina Nel at Randy Dela Cruz, kapwa nasa hustong gulang at naninirahan sa  Zone 1, Barangay 1 ng nasabing lungsod na kinasuhan ng murder.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:30 ng gabi sa Cuyekeng St., ay nati­yempuhan ng magkapatid ang biktima na bumibili ng sigarilyo kaya’t kinompronta ito at inungkat ang matagal na nilang alitan.

Nauwi sa mainitang pagtatalo ang komprontas­yon hanggang sa isa sa mga suspek ang bumunot ng ice pick at  pinagtulu­ngan nilang pagsasaksakin ang biktima.

Matapos ang pana­naksak ay tumakas ang magkapatid at nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis ay nadakip din ang mga ito.

 

Show comments