MANILA, Philippines - Lumulutang sa creek at patay na ang isang lalaki na umano’y magkakabit lang ng jumper ng kuryente mula sa poste ng Meralco sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Joren Baladjay, tinatayang nasa 29-31-anyos at residente ng no.597 Geronimo st., Sampaloc, Manila. Nakapulupot pa sa beywang nito ang nasa 15 hanggang 20 metro kawad ng kuryente, na binalatan ang dulo at pinaniniwalaang ikakabit sana sa nakalaylay na kuryente mula sa poste na nasa tabi ng estero.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas 10:30 ng umaga nang makitang nakalutang ang biktima sa creek sa kanto ng J. Fajardo at Carolina sts., Sampaloc, Manila.
Ayon kay Rosalie Mijares, 43, stepmother ng biktima, kamakalawa ng hapon nang magpaalam ito na magkakabit ng linya ng kuryente bagama’t hindi naman sinabi kung saan ito magkakabit
Posibleng nalaglag sa tubig ang biktima nang aksidenteng mahawakan marahil nito ang live wire sa poste. Ang katawan ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa St. Rich Funeral Homes.