Lady trader nagpakamatay?

MANILA, Philippines - Dedo ang isang babaeng negosyante nang barilin ang sarili sa harapan ng kanyang mister sa Quezon City, ayon sa pulisya kahapon.

Ang biktima ay kinilalang si Marijane Onabia Tiu, 35, may-asawa ng Block 1, Lot 2, Palm St., Green Field Subdivision, Brgy. Kaligayahan sa lungsod.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:15 ng  gabi noong Lunes kung saan nada­tnan ng biktima  sa loob ng kanyang opisinang karugtong ng kanilang bahay ang mister nitong si Mitoschelo Tiu at kapatid nitong si John Constantine Tiu.

Bago pa man umano mag-usap ang mag-asawang Tiu ay pinalabas muna ng mga ito si John Constantine at habang papalabas ay narinig pa umano nito ang biktimang nagsabi ng “Ano ang gagawin ko para mapatawad mo ako Pa?”

Habang nasa labas ay nakarinig umano ang bayaw ng biktima ng putok ng baril mula sa loob ng opisina kaya  agad niyang binuksan ang sliding door at nakita na lang ang biktima na duguang nakahandusay, habang ang asawa nito ay nakaupo naman sa may lamesa.

Agad na humingi ng tulong si John Constantine sa mga tauhan at itinakbo ang biktima sa FEU, pero noong Martes ng hapon ay binawian din ito ng buhay.

Ayon naman sa Homicide section ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, isasailalim sa pa­raffin test ang lahat ng nasa loob ng opisina para matukoy kung sino talaga ang nagpaputok ng baril na kalibre 38.

Show comments