MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang unang araw ng balik-eskwela matapos na masawi ang isang mag-ina habang dalawa ang malubhang nasugatan matapos na aksidenteng mabangga ang sinasakÂyan nilang tricycle na papuntang eskwelahan ng isang van kamakalawa sa San Fabian, Pangasinan.
Hindi na umabot ng buhay sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City ang Grade 1 pupil na si Kyle Pugong,7-anyos dahil sa matinding sugat sa ulo habang ang ina nito na si Gemma ay binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.
Nasugatan naman sina Aivy Dispo, 12 anyos, Grade VII at Leslie Biagtan Laceste, 11, Grade VI at pawang residente ng Brgy. Angio ng baÂyang ito.
Sa ulat na nakaraÂting kay Pangasinan Police Director P/Sr. Supt. Sterling Blanco, dakong alas-12:30 ng tanghali ay kasalukuyang sakay ang mga biktima ng motorsiklo na minamaneho ni Rafe Dismaya at binabaybay ang kahabaan ng Osmeña Road, Brgy. Angio nang maganap ang aksidente.
Sa salaysay ng suspek na kinilalang si Brgy. Chairman Rogelio Hufana, kasalukuyang minamaneho niya ang kanyang van (WTT-942) nang aksidente nitong mabunggo ang tricycle ni Dismaya.
Sa lakas ng pagkakasalpok ay tumilapon ang mga biktima kung saan napuruhan sa ulo ang nasawing si Kyle.
Nasa kustodya ng pulisya ang suspek at ang van nito at inihahanda na ang kasong kriminal.