Nakapatay ng 2 US servicemen at PH Marine, timbog

MANILA, Philippines - Isang bomb expert ng Moro National Liberation Front (MNLF) na res­ponsable sa pagkamatay ng dalawang US Army Special Forces at isang miyembro ng Philippine Marines noong 2009 ang nadakip sa isinagawang operasyon sa Indanan, Sulu kamakalawa.

Kinilala ang nasakoteng suspek na si Mihaji Hamjuda alyas Mahang.

Sinabi ni PNP-Cri­minal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief P/Director Benjamin Magalong na si Mahang  ay nasakote ng mga operatiba ng CIDG Region 9, Military Intelligence Group (MIG) 9, 52nd  Special Action Company at Joint Task Force (JTF) Sulu sa operasyon sa Ummul Qurrah, Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu bandang alas-10:30 ng umaga.

Ang suspek ay ina­resto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Judicial Region Branch 4 ng Parang, Sulu.

Sa tala, si Mahang ang sangkot sa madugong 2009 Kagay roadside bombing sa  Inda­nan,  Sulu na ikinasawi ng dalawang sundalong Kano at isang tauhan ng Philippine Marines na lulan ng Humvee military vehicle. Nasu­gatan naman sa insidente ang dalawa pang sundalo ng AFP na lulan din ng nasabing behikulo.

 

Show comments