2 todas, 1 sugatan Parak, kinuyog namaril

MANILA, Philippines - Dalawa ang todas habang isa ang nasugatan matapos mamaril ang isang pulis na sakay ng taxi nang siya ay kuyugin ng may 10 katao na pawang kabataan sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Nasawi habang ginagamot sa  Manila Adventist Medical Center (MAMC) ang mga biktimang sina Camille Ventura, 16, estudyante ng  #667 Facundo St., , Pasay City at  Emerson Lopez, 20, ng #578 Facundo St. , Pasay City, na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kili-kili at tagiliran.

Ginagamot naman ngayon sa Ospital ng  Maynila (OSMA) ang sugatang si Carl Michael Cueto, 18, ng  #1848 Go-Quiolay St. Brgy. 4, Zone 2, Pasay City  dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Hawak na ng Manila Police District-Homicide Section ang pulis na si PO3 Ariel Yala, 32, nakatalaga sa  Logistic Support Service ng National Capital Region Police Office, residente ng Taguig City.

Isinasailalim naman sa interogasyon ang mga kasamahan ng pulis na sina Gene Hope Cainglet, 29, receptionist; Rey Chris Saavedra, 29; Jordan Tuilo, 33, messenger at Agnes Buenaflor, 26.

Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Mabini at P. Ocampo Sts. , Malate, Maynila.

Nasa sampu umano ang bilang ng grupo ng biktima na una nang nakipagrambulan sa Harbor Square, malapit sa Philippine International Convention Center (PICC).

Sinasabing napagkamalan ng mga kabataan na ang grupo ng pulis ang siyang una nilang nakaaway kaya kinuyog ng mga ito at napilitan naman bumunot ng baril at magpaputok ang pulis.

 

 

Show comments