MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Sulu ang isang turistang Chinese at Pinay na halos dalawang buwan sa kamay ng mga bandido matapos na dukutin sa Semporna, Malaysia.
Kinumpirma kahapon ni PNP Task Force Sulu Commander Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., na pinakawalan na ang mga bihag na sina Gao Hua Yun, 29 at Marcy Dayawan, 40, isang OFW sa Malaysia.
Dinukot ang mga ito noong Abril 2 ng Abu Sayyaf matapos salakayin ang Singamata Reef Resort sa Malaysia’s Sabah State kung saan itinago sila sa Sulu.
Bandang alas-10:25 ng umaga nang pakawalan ang mga bihag sa Sitio Kahoy Sinah, Brgy. Tanduh Pugot, Sulu at bandang alas-5:00 naman ng hapon nang makabalik na sa Sabah, Malaysia ang dalawang bihag at makasama ang kanilang mga pamilya sa tulong ng Royal Malaysian Police.