Cavite shootout: 8 holdaper bulagta

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang walong lalaki na pinaghihinalaang miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang matapos maka-engkuwentro ang mga pulis kahapon sa  Brgy.Litlit, Silang, Cavite.

Patuloy na inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng walong suspek na hinihinalang nasa likod ng serye ng robbery/holdup sa bayan ng Silang at iba pang lugar sa Cavite.

Sa ulat na natanggap ni Chief Inspector Gil Torralba, hepe ng Silang Police bago nangyari ang barilan dakong  alas-1:30 ng hapon sa nasabing lugar ay nakatanggap na sila ng impormasyon na may siyam na mga armadong kalalakihan na lulan ng apat na motorsiklo  ang magsasagawa ng robbery /holdup sa kanilang nasasakupan.

Kaya naman ay agad na inatasan ni Torralba ang isang team ng Silang Police kasama ang mga elemento ng Special Wea­  pons and Tactics (SWAT) Team ng Cavite PPO na maglatag ng checkpoint/dragnet operations upang maharang ang mga suspek.

Matapos ang ilang oras ay dumaan ang mga suspek na nilagpasan ang checkpoint  nang pasibarin ng mga ito ang kanilang mga motorsiklo na pawang mga walang plaka.

Hinabol ito ng mga pulis hanggang sa makorner, subalit sa halip na sumuko ay pinaputukan ng mga suspek ang mga  pulis na nauwi sa palitan ng putok.

Bumulagta ang walong suspek   habang nakatakas naman ang isa nilang kasamahan.

Narekober sa encounter site ang tatlong motorsiklo na gamit ng mga suspek, anim na cal. 45 pistol at dalawang cal.38 revolver.- Joy Cantos, Cristina Timbang-

 

Show comments