Target din maging drug courier... Free taste ng droga sa mga estudyante

MANILA, Philippines - Nakaabang na umano ang mga sindikato ng droga at may inilatag na modus operandi para sa mga estudyante sa iba’t ibang university belt sa bansa sa pamamagitan ng promo nila ng free taste ng illegal na droga.

Ayon kay PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AID-SOTF) chief legal affairs Sr. Inspector Roque Merdeguia na upang makapasok ang drug syndicates sa mga tinatarget na unibersidad, kolehiyo at maging ang mga secondary schools ay  gagamitin nila itong bagsakan ng illegal na droga at  may gimmick din ang mga ito na pa-promo sa mga estudyante.

Kaya ang free taste na pakulo ng drug syndicates sa mga target na estudyante ay upang madali nilang mahuhulog sa kanilang bitag para magumon sa masamang bisyo.

Naalarma rin ang PNP-AID-SOTF  na mas madaling mahikayat ng mga sindikato ng illegal na droga ang mga estudyante sa high school level dahilan  nasa ganitong estado ng mga kabataan na lahat halos gustong tikman tulad ng paninigarilyo, alak at ang nakakatakot na droga.

Naalarma ang PNP-AID-SOTF sa  nakalap na impormasyon na mu­ling mamamayagpag  ang mga sindikato ng illegal na droga na target ang mga university belt kaya’t inilunsad nila ang mas pinalakas na operasyon laban sa mga sindikato.

Bukod sa free taste promo ay target din ng mga drug syndicates ang mga estudyante na gawing drug courier sa loob at labas ng mga campus gayundin ang mga kolehiyo.

Kasabay nito hinikayat ng otoridad sa mga school administrator na makipag tulungan sa PNP-AID-SOTF para agad maaksyunan ang pagkalat ng illegal drugs  sa kani-kanilang mga eskuwelahan.

Nakahanda rin magsagawa ng information campaign sa mga unibersidad  at kolehiyo hinggil sa masamang epekto ng illegal na droga lalo na sa mga kabataan.

 

Show comments