23-M estudyante sasalubungin ng DepEd

MANILA, Philippines - Tinatayang nasa 23-milyong estudyante ang nakatakdang salubungin ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa pagbubukas ng klase o school opening 2014-2015 sa susunod na araw ng Lunes (June 2).

Sinabi ni DepEd Secretary Armin Luistro, all system go na sa opening ng klase at wala ng inaasahan na magaganap na malaking problema dahil unti-unti na rin naisasaayos ang mga naging suliranin noong mga nakalipas na taon, tulad ng kakulangan ng mga silid aralan.

Aniya, sapat na ang mga silid-aralan, pero mayroon  paring siksikan sa mga malaki ang populasyon pero tiniyak nito na wala ng magka-klase sa ilalim ng mga puno.

Nasulusyunan na rin aniya ang kakulangan ng mga upuan at libro ng mga estudyante.

Ayon naman kay DepEd Asec Jesus Mateo, noong Enero pa lamang ay nagsimula na sila ng preparasyon  sa pagbubukas ng klase. Kabilang aniya dito ang early registration ng mga estudyante para matukoy ang bilang ng mga papasok at maiayos ang mga pagha­handa sa paaralan.

Sa ngayon ay isinasaayos na lamang ng mga school official ang mga huling nagpatala at lumipat ng kani-kanilang paaralan, partikular na ang mga nasa dating pribado ay pumunta sa mga pampublikong eskuwelahan.

Nagpapatuloy parin ang konstruksyon at pagkukumpuni ng mga silid-aralan sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.

 

Show comments