MANILA, Philippines - Tinatayang nasa limang libong pamilya pa na biktima ng super bagyong ‘Yolanda’ ang wala pang tirahan sa Tacloban City.
Ayon kay Tacloban City Mayor Alfred Romualdez, nasa 400 hanggang 500 pamilya pa ang naninirahan sa evacuation centers habang 700 pamilya pa ang kasalukuyang nanatili sa tinatawag na “tent cityâ€.
Sinabi ni Romualdez, nangangailangan na rin umanong i-relocate ang may 4,000 pamilya na naninirahan sa mga danger zones sa kanilang lalawigan.
Nanawagan ang alkade sa gobyerno na ibigay na lamang ang pondo sa Local Government Units (LGUs) upang masimulan na agad ang pagpapatayo ng mga bahay para sa mga survivors ng nasabing bagyo noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Nagtataka din si Romualdez, kung bakit ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ahensiyang may mandato upang magbigay ng pansamantalang tirahan samantalang dapat ay trabaho ito ni Rehabilitation czar Panfilo Lacson.
Bukod pa dito, nangangailangan pa ang kanilang siyudad ng 2,000 bunkhouses subalit dapat pa rin ipaliwanag ng gobyerno kung ano ang temporary shelter dahil ang mga naunang naitayo na ay hindi pa rin nabibigyan ng permiso ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos i-classified ang mga ito na substandard.