MANILA, Philippines - Huli ang isang traffic enforcer ng MMDA at lima niyang kasama sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na puwersa ng Cavite PNP at Naic Police, habang masuwerte namang nailigtas ang kinidnap nila kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na ligtas na nabawi ay nakilalang si Rodel Soriano, 38 may asawa, tricycle driver at residente ng phase 3 Blk 20 Lot 20 Ciudad Nuevo Naic Cavite.
Nakilala naman ang suspek na si Ruben Daypal, 43 may asawa, MMDA traffic enfrocer at residente ng B31 Lot 75 Golden City, Bgy. Salawag at mga kasamang sina Edwin Tepace, 39, Peter Ignacio, isang alias ‘Doreymon’, isang alias Jericho at alias Intoy.
Nabatid mula kay PO3 Randy Andanar, may hawak ng kaso, May 21 umano ganap na alas-2:00 ng hapon ng kidnapin ng 6 na armadong lalaki ang biktima habang ito ay nasa terminal ng mga tricycle sa Phase 2, Bgy. Timalan Balsahan Naic Cavite.
Sapilitan umanong isinakay sa isang Toyota Altis na kulay Gold ang biktima at kasunod ang isang puting van.
Isang araw matapos ang pagdukot ay nakatanggap na ng sunod sunod na text ang misis ng biktima na si Gennelyn Villarosa 24 mula sa mga suspek na humihingi ng halagang P100,000.00 kapalit ng kalayaan ng kanyang mister.
Dito na palihim na humingi ng tulong sa pulisya si Gennelyn at ikinasa ang isang entrapment operation laban sa mga suspek na nagresulta ng kanilang pagkakaaresto.