MANILA, Philippines - Isang radio brodkaster ang nasawi matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo kahapon ng umaga sa Digos City, Davao del Sur.
Ang nasawi ay kinilalang si Samuel “Sammy†Bravo Oliverio, 57, announcer ng Ukay Radio sa lungsod.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang pamamaslang sa biktima dakong alas-7:00 ng umaga sa kahabaan ng Del Pilar St., ay minamaneho nito ang kanyang motorsiklo papauwi sa kanilang bahay buhat sa palengke.
Nagmamadali itong umuwi ng bahay upang mapakinggan ang kanyang pang-umaga na programa na magsisimula ng alas-8:00 ng umaga.
Habang binabaybay ang nasabing lugar ay dinikitan siya ng isang motorsiklo at biglang pagbabarilin.
Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala ng cal. 45 sa ulo at isa sa leeg na agad nitong ikinasawi habang mabilis namang nagsitakas ang mga suspek na sinamantala ang pagkakagulo ng mga tao sa lugar.
Sa tala, si Oliverio ang ikatlong reporter na pinaslang sa Digos City, umpisa noong 2006 kung saan ang unang biktima ay si Armado Pace at Nestor Bedolido, isang lokal na mamamahayag noon namang 2010.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan ng pulisya kung may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang sa biktima na isang kilalang matapang na birador ng mga personalidad na sangkot sa illegal gambling at illegal drugs at ika-28 na mediamen na napaslang sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino.