MANILA, Philippines - Matapos na mapatunayang nagkasala sa kaso ng sobrang paggastos o overspending sa May 2013 elections ay pinabababa na ng Commission on Election (Comelec) sa puwesto si Laguna Governor ER Ejercito.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes iisa ang naging desisyon ng pitong Commissioner sa ginawang en banc kung saan nagkaisa sa hatol na guilty kay Gov. Ejercito.
Nagpasya rin ang mga commissioner na paupuin si Laguna Vice Governor Ramil Hernandez sa puwesto ni Ejercito.
Nabatid na nakakuha ng mga dokumento ang Comelec mula sa Laguna Provincial Election Office, na gumastos si Ejercito ng P23.5 milyon sa halalan noong Mayo 2013.
Batay sa rule, pinapayagan ng Comelec ang isang kandidato na gumastos ng tatlong piso kada botante gayung nasa 1,440,660 ang bilang ng mga botante sa Laguna noong 2010 batay sa Philippine Statistics Authority.
May limang araw upang humingi ng TRO sa Korte Suprema si Ejercito para maharang ang kautusan ng Comelec.