MANILA, Philippines - Tinadtad ng bala ng isang barangay kagawad ang kanyang nakatatandang kapatid matapos na magtalo sila sa pinag-aawayang lupain naganap kamakalawa sa Brgy. Gatub, Lakewood, Zamboanga del Sur.
Namatay noon din ang biktima na si Rogelio Pinaso, 36-anyos dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Ang suspek na tumakas ay ang kapatid nitong si Abelino Pinaso, 28 anyos, may-asawa, barangay kagawad at residente ng Purok 6, ng nasabing barangay.
Sa imbestigasyon, bandang alas-6:00 ng umaga ay kasalukuyang naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang harangin at pagbabarilin ng walang kaabog-abog ng kapatid.
Nabatid na ang magkapatid ay may samaan ng loob sa isa’t isa dahil sa ito umano ay paborito ng kanyang magulang at lamang umano sa partihan sa mamanahing lupa.