Pinagbabaril habang nag-iinuman pintor todas, 1 pa sugatan

MANILA, Philippines - Todas ang isang pintor, habang sugatan ang isang pedicab driver makaraang silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang sila ay nag-iinuman sa Samonte Road, Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni PO2 Erickson Serbito, may-hawak ng kaso, ang nasawi na si Michael Bersamin, 37,  ng Brgy. Holy Spirit sa lungsod.

Sugatan naman at may tama ng bala si Renato Calanao, 51, pedicab driver ng nasabi ring barangay.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinasabing isang lalaki na nakasuot ng ball cap, itim na t-shirt at maong na pantalon ang sinasabing namaril sa mga biktima.

Nabatid na ang insidente ay naganap sa harap ng house #38 Don Sergio Extension, Brgy. Holy Spirit, ganap na ala-1:30 ng madaling araw.

Ayon sa mga saksing sina Gimeno Badiola at Alma Badiola, nag-iinuman silang magkakaibigan kasama ang dalawang biktima ng mapuna nila ang suspek na nakatayo sa isang madilim na lugar na tila may hinihintay.

Ilang sandali pa ang lumipas ng lumapit sa kanila ang suspek, saka biglang nagbunot ng baril at pinaputukan si Bersamin ng dalawang beses sa ulo na agad na bumagsak at masawi.

Dahil sa takot ay nagtakbuhan ang magkakaibigan pero binaril din si Calanao na tinamaan sa kanang hita.

Matapos ang insidente ay naglakad patungo sa Samonte Street at suma­kay sa isang motorsiklo ang suspek saka tumakas.

Agad namang itinakbo ng kanyang kaanak si Calanao sa East Avenue Medical Center kung saan siya kasalukuyang nilalapatan ng lunas.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Ope­ratives (SOCO) narekober sa crime scene ang tatlong basyo ng kalibre 45 baril at isang tingga nito.

Hindi pa batid ng pulisya ang motibo ng krimen na subject ngayon sa ginagawang follow-up operation.

 

Show comments