MANILA, Philippines - Nakulong sa nasusunog nilang bahay ang apat na batang magkakapatid kabilang ang isang sanggol naganap kamakalawa ng gabi sa Brgy. Bulakin, Dolores, Quezon.
Halos natusta ang magkakapatid na kinilaÂlang sina Ella Medrano, 8; Jonmar Medrano, 6; Mark Rebenito, 4; at Jasmin Rebenito, 1.
Sa ulat ng Quezon Provincial Police Office (PPO), bago nangyari ang sunog pasado alas-9:00 ng gabi ay nagsindi umano ng kandila ang panganay na si Juana, 13 dahil sa brownout sa kanilang bahay.
Nabatid na nagka-blackout sa lugar matapos namang mag-bog down ang Pagbilao PoÂwer Plant na nakaapekto sa supply ng kuryente sa lalawigan.
Matapos na sindihan ang kandila ay iniwan nito ang mga paslit na kapatid na mahimbing na natutulog.
Pagkalipas ng 45 minuto sa pagbalik ni Juana ay nakita na lamang niya na nilamon ng apoy ang kanilang bahay na mabilis na natupok dahil gawa lamang ito sa pawid, kawayan at sawali.
Humingi ito ng tulong sa pinakamalapit nilang kapitbhay sa lugar, subalit hindi na nagawang maisalba ang kanyang apat na kapatid.
Wala sa bahay ang ama at ina na kapwa nagtatrabaho sa San Pablo City, Laguna at ipinagkatiwala ito kay Juana.