MANILA, Philippines - Sinasabing pinagtripan lang ang limang biktima na sunod-sunod na pinagbabaril hanggang sa masawi sa magkakahiwalay na barangay ng umano’y ‘street killer’ na riding-in-tandem sa Fairview, Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay SPO4 Rafael De Peralta ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, ang mga biktima ay pinagbabaril ng mga suspek sa magkakalapit na lugar lamang ng Brgy. North Fairview na nagsimula ala-1:30 ng madaling araw hanggang alas-2:20 ng madaling araw.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Rodelio Dela Cruz, 34 ng Brgy. Baesa; Alodia Grace-Go, 37, negosyante ng North Fairview; Gilmer Gabronino, 35 ng Camarin Caloocan City; Angeli Augis, 35, ng Imus Cavite; at isang hindi nakikilalang biktima na isa umanong mangangalakal ng basura.
Sa ulat ng pulisya, unang pinagbabaril ng dalawang suspek ang biktimang si Dela Cruz sa tapat ng isang tindahan ng car accessories sa Commonwealth Avenue, sakop ng North Fairview.
Ayon sa isang security guard, narinig na lang umano niya ang mga putok ng baril malapit sa lugar at nang kanyang puntahan ito ay nakita na lang niya ang biktima na duguang nakahandusay sa simento at wala ng buhay dahil sa tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Makalipas ang ilang minuto, sumunod na pinagbabaril ng mga suspek sa kanto ng Regalado Avenue at Bronx Street ang biktimang si Go. Patay din agad si Go sa pinangyarihan ng krimen dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa leeg at kanang mata.
Tatlumpung minuto ang nakalipas ay pinagbabaril din ng mga suspek ang mga biktimang sina Gabronino at Auguis habang sila ay sakay ng kanilang motorsiklo na patungo sana sa isang botika para lamang bumili ng gamot.
Pasado alas-2:20 naman ng madaling araw nang pagbabarilin ng mga suspek ang hindi pa nakikilalang basurero sa southbound ng Commonwealth sa bahagi ng Pearl Drive, sakop ng Barangay Greater Fairview.
Sanabi ni Supt. Dennis de Leon, hepe ng QCPD station 5, posibleng isang suspek lamang ang may kagagawan sa naganap na pamamaril, dahil sa mga narekober na basyo ng bala na halos magkakapareho.
Ayon sa isang saksi, pawang nakasuot ng helmet at naka itim na kasuotan ang nasabing mga suspek na sakay ng isang motorsiklo na may plakang nakasulat na “Badboyâ€.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya para matukoy at madakip ang dalawang salarin na sinasabing ‘street killer’ sa lungsod.