Paglaban sa El Niño sinimulan na

MANILA, Philippines - Kaugnay  ng  banta ng El Niño phenomenom o tagtuyot  na makakaapekto lalo na sa sektor ng agrikultura sa bansa ay nagsimula ng kumilos ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay Major Rey Balido, spokesman ng NDRRMC na ang Department of Agriculture (DA) ang nangunguna sa aspeto ng agrikultura dahilan ang mga magsasaka ang direktang tatamaan ng tagtuyot.

Kailangan rin aniya ang papel ng iba pang ahensiya tulad ng Bureau of Fire (BFP ) na nasa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa mas malaking panganib sa sunog sa mga lugar na makararanas ng tagtuyot bunga ng sobrang init ng panahon.

Magpapakalat  ng impormasyon ang NDRRMC sa publiko lalo na sa pagtitipid sa paggamit ng tubig sa mga kabahayan sa tulong ng mga lokal na opisyal ng gobyerno.

Ayon naman kay Pagasa forecaster Gladys Saludes, inaasahang iinit pa ang panahon sa mga susunod na araw dahilan sa pagsisimula ng El Niño phenomenom na inaasahang magsisimulang maramdaman sa buwan ng Hunyo.

Tanging ang ridge of the high pressure area ang nakakaapekto ngayon sa bansa kaya nagkakaroon ng matin­ding init ng temperatura kung saan kabilang sa inaasahang epekto nito ay ang kakulangan ng ulan na pangunahing makakaapetko sa tubig sa mga dam.

Nilinaw naman ng Pagasa na thunderstorm lamang ang naitala sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon ngunit ito ay maituturing lamang na isolated kaya hindi maaasa­hang makapaghatid ng sapat na tubig sa water reservoir.

Bumuo na rin ang DA ng Task Force El Niño para magsagawa ng ‘cloud seeding operations’ sa mga key area sa bansa na dumaranas ng malaking kakulangan sa tubig partikular na sa mga lupang sakahan at maging ang lokasyon ng water reservoir.

 

Show comments