MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang motorcycle rider matapos siyang mabaril ng isang pulis na inagawan umano nito ng baril sa checkpoint habang inaaresto kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Richard Emaas, 24, ng Romualdez, Kalentong St., Mandaluyong City.
Batay sa ulat, dakong alas-4:50 ng hapon nang maganap ang insidente sa kahabaan ng E. Rodriguez Boulevard, Brgy. Doña Imelda ng lungsod.
Nabatid na nagsasagawa ng police checkpoint ang tropa ng Galas Station sa pamumuno ni SPO3 Jerizaldy Tugbo nang mapadaan si Emaas sakay ng kanyang kulay pulang Honda motorcycle (WJ-2704) at sinita ito.
Habang nagsagawa ng beripikasyon ay hiningi ni Tugbo kay Emaas ang mga dokumento sa dala niyang motorsiklo at sa halip umanong sumunod ay naging arogante pa umano at tumangging sundin ang sinabi ng mga pulis.
Napilitan si Tugbo na dalhin si Emaas sa loob ng PAC office at hiningi ang kanyang identification card at nang buksan ng una ang kanyang pitaka para kunin ang IDs ay napuna umano ng mga otoridad ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu kung kaya napilitan ang mga huli na arestuhin ito.
Bigla na lamang umanong dinamba nito ang baril ni PO1 Ghissar Lising na katabi niya, sanhi para magpambuno sila sa baril at dito naalarma si Tugbo kaya’t binunot ang kanyang baril at dito ay pinaputukan si Emaas na tinamaan sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib.