MANILA, Philippines - Nabigo umano sa tangkang panunuhol ng P100 M sa arresting team ng naarestong misis ng mastermind ng Aman Futures Group na sangkot sa P12 bilyong pyramiding scam.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Chief Inspector Melvin Montante, Chief ng Intelligence Operation Section (IOS) ng Police Regional Office (PRO) 3, matapos makatanggap ng tawag mula sa cellular phone si SPO1 Jose Santos, isa sa umaresto sa suspek na si Abigail Pendulas para pakawalan ito kapalit ng P100 milyon.
Matatandaan na noong Mayo 2 ay nasakote si Pendulas, misis ng utak sa pyramiding scam na si Manuel Amalilio sa San Fernando City, Pampanga.
“May tumawag sa CP ni Abigail na inabot niya sa tao ko (SPO1 Santos) na katabi niya, sino raw ba pwedeng makausap dito, pagkatapos na sabihin na name your price, nagbanggit daw yung lalaki ng P100 milyon,†ani Montante.
Gayunman, hindi umano nagpakilala ang nasabing caller na sinabi lamang na kaibigan ng inarestong si Pendulas na handang magbigay ng nasabing halaga.
Ipinag-utos naman ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Raul Petrasanta na alamin kung sino ang nasabing caller para maaresto ito sa entrapment operation, pero hindi na ito muli pang tumawag.
Sa kasalukuyan ang suspek ay nakapiit sa detention cell ng PRO 3 sa Camp Olivas, Pampanga.