MANILA, Philippines - Nasakote ng intelligence operatives ng militar at pulisya ang isang mataas na lider ng Commmunist party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) habang nagliliwaliw kasama ang kaniyang nobya sa isang beach sa Davao City kahapon ng umaga.
Ang suspek ay kinilaÂlang si Roy Erecre alyas Ka Toto/Pasyong, Secretary ng Central Visayas Regional Committee ng CPP-NPA sa nasabing lungsod.
Si Erecre ay may patong sa ulong P 5.4 M para sa kaniyang ikakaaresto.
Nabatid na bago ang pagkaaresto ng suspek ay nakatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa presensya ni Erecre at ng nobya nitong si Judith Jaron-Niog na nagi-island hopping sa magagandang beaches sa mga lugar na dinarayo ng mga turista sa Davao.
Si Erecre ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest mula sa Regional Trial Court ng Cebu at Bohol kaugnay ng pamamaslang laban sa mga sibilyan at tropa ng militar sa Bohol noong 1990 at nitong unang bahagi ng 2000 kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte sa pansamantala nitong kalayaan.
Nabatid na si Erecre rin ang namuno sa ambush at pagkakapatay sa dalawang batang opisyal ng Phil Army na kinilala lamang sa mga apelyidong Lt. Que at Lt. Bungaos noong 1999 sa Carmen, Bohol.