MANILA, Philippines - Sinibak sa kanilang puwesto ang dalawang miyembro ng Quezon City Police District matapos makumpirma ang tangkang pangongotong ng mga ito sa isang magkasintahan noong Martes.
Bukod sa kinakaharap na dismissal inalisan na rin ng tsapa, service firearm at police IDs ang mga pulis na sina PO1s Ronald Que Englis, 39; at Roland Roman Mansimbang, ng QCPD station 11.
Ayon kay Chief Supt. Richard Albano, director ng QCPD, pansamantalang ilalagak ang dalawang pulis sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal habang gumugulong ang imbesÂtigasyon ng kaso.
Bukod dito, pinagre-report ang isa pang pulis na isinasangkot dito, subalit hindi pa ito nagpapakita sa kanyang mother unit.
Ang dalawang pulis ay inireklamo ng kasong robbery-extortion matapos na ireklamo ng isang magkasintahan sa tanggapan ng QCPD makaraang sitahin sila habang sakay ng isang kotse na nakaparada sa kahabaan ng 8th St., Brgy. New Manila, ganap na alas-9:00 nitong Martes ng gabi.
Sinabihan ng mga pulis ang lalaking biktima na bumaba ng kanyang kotse at hiningi ang lisensya nito at tinakot na kakasuhan ng public scandal na may multang P20,000.
Ayon pa sa mga biktima, tinakot pa umano sila ng dalawang pulis na baka malaman ng media at malagay sila sa dyaryo kung hindi sila magbabayad ng nasabing halaga.
Ilang sandali, isang sasakyan ng pulis ang dumating sakay ang apat na police officers kung saan dalawa sa mga ito ang pinilit ang lalaki na mag-withdraw sa ATM para mapakawalan na sila.
Sumakay din sa kotse ng magnobyo si Mansibang saka pinilit ang babaeng biktima na aminin ang kanyang ginawa. Matapos ang ilang pag-uusap ay pumayag ang mga biktima na magpunta sila sa Gilmore Townhomes.
Dito na nagpasya ang babae na tawagan si Chief Supt. Reuben Sindac, ang tagapagsalita ng Philippine National Police na kaibigan ng pamilya ng nobyo.