MANILA, Philippines - Muling pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE), ang lahat ng employer na sumunod sa panuntunan sa pagpapasahod sa mga empleyado ngayong holiday kaugnay ng Labor Day.
Ayon sa DOLE, dapat na pairalan ang mga implementing guidelines sa pay rules para sa Labor day.
Kapag ang empleyado ay hindi nagtrabaho, babayaran pa rin siya ng 100 percent ng kanyang suweldo para sa isang araw, gayundin ng kanyang cost of living allowance (COLA).
Kapag pumasok naman ang empleyado sa trabaho, babayaran siya ng 200 percent ng kanyang suweldo para sa isang araw para sa unang walong oras ng trabaho, gayundin ng kanyang COLA.
Kung ang empleyado ay nagtrabaho ng lagpas sa walong oras, babayaran siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate.
Kapag ang empleyado ay nagtrabaho at nataon na ang araw na ito ay kanyang day-off o rest day, tatanggap siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang daily rate at 200 percent ng kanyang arawang sweldo.
Sakali namang mataon na day-off ng empleyado at nagtrabaho siya ng overtime, tatanggap siya ng karagdagang 30 percent ng kanyang hourly rate.