MANILA, Philippines - Isang malaking kampo ng mga bandidong Abu Sayyaf ang nakubkob kahapon ng umaga sa isinagawang operasyon sa kagubatan ng Sitio Kan Jimao, Patikul, Sulu.
Sa ulat, dakong alas-5:00 ng umaga nang matisod ng mga sundalo ang kampo ng bandidong grupo sa nasabing lugar.
Dito ay nagkaroon ng putukan bago napilitan ang mga bandido na magsitakas bitbit ang mga sugatan at mga posibleng napaslang na mga kasama.
Ang kampo ng mga bandido ay may limang kubo na maaaring pagkasyahan ng nasa 100 katao na may mga bunkers at foxholes.
Ang nasabing kampo ay siyang pinagdarausan ng pagsasanay ng mga bandido partikular na sa mga bago nitong recruits.
Dito rin nagsasagawa ng pagpaplano ang mga bandido kapag may planong dukuting mga dayuhan at maging ang mayayamang negosyante.