MANILA, Philippines - Inaresto ng pulisya ang isang negosyanteng Tsinoy matapos na hindi tumigil sa checkpoint malapit sa five star hotel na tinutuluyan ni U.S. President Barack Obama kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Ang suspek na ang pangalan sa Chinese ay Don Lunsheng, na ang pangalan naman nito sa Filipino ay si Arvy Li, 29-anyos.
Sa ulat, dakong ala-1:45 ng madaling-araw sa panulukan ng Vicente Sotto at Dela Rama Sts., harapan ng Philippine InternatioÂnal Convention Center (PICC) malapit sa Sofitel Hotel ng naturang lungsod kung saan dito tumutuloy si Obama ay may pinatutupad na checkpoint ang pulisya.
Dito namataan ng mga pulis ang isang kulay silver na sasakyan na may plakang XLW-587, na minamaneho ng suspek at sa halip na tumigil sa checkpoint ay pinaharurot ito hanggang sa binangga pa nito ang barikada ng pulisya.
Iginiit ng suspek na nasa impluwensiya ng alak at ng kasama nito na hindi nila alam na malapit doon ang hotel na tinutuluyan ni Obama.
Ipinagharap ng puÂlisya ang suspek ng kasong disobedience to authority at disregarding arrest.