MANILA, Philippines - Utas ang isang security guard makaraang pagbabarilin ng apat na holdaper nang tangkain ng biktima na harangin ang mga suspek matapos holdapin ang isang sangay ng LBC sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Rhom Dela Cruz, 34, na agad na nasawi matapos magtamo ng mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Ayon kay PO3 Alvin Quisumbing, may hawak ng kaso, ang insidente ay naganap sa Arayat St., corner P. Bernardino St., Brgy. San Martin De Porres, Cubao, ganap na alas-8:51 ng umaga.
Pinasok umano at hinoldap ng apat na suspek ang sangay ng LBC sa katabing hotel na binabantayan ng biktima.
Ang panghoholdap ay nasaksihan ni Dela Cruz kung kaya rumesponde ito at tinangka harangin ang mga holdaper pero pinaulanan siya ng bala na agad niyang ikinamatay.