MANILA, Philippines - Arestado ang pangunahing akusado sa pambubugbog sa actor at TV host na si Vhong Navarro at kapwa akusadong si Simeon “Zimmer†Raz Jr., ng pinagsanib na puwersa ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at local police sa lalawigan ng Samar, kahapon ng umaga.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, bandang alas-11:15 ng umaga nang masakote sina Lee at Raz sa munisipalidad ng Oras, Eastern Samar.
Sinabi ng kalihim, ipinarating sa kanya ni NBI-National Capital Region (NCR) Director Atty. Elfren Meneses at Deputy Director Raffy Ragos ang impormasÂyon na nadakma na ang dalawang akusado makaraang hindi nila tigilan sa pagbuntot at pagpapalipat-lipat ng lugar na pinagtataguan.
Nagbigay na ng instruction si De Lima sa NBI na dalhin agad sa Maynila ang dalawa at pansamantala sa NBI facility muna ikukulong habang hinihintay ang commitment order para malaman kung saan sila itu-turn over para ikulong.
Simula pa umano noong nakalipas na Biyernes nang tugisin ang dalawa sa pinagtataguang lugar sa Boronggan, Samar hanggang sa makatakas at muling sinuyod ang lugar hanggang sa magawi sa Dolores na inabot na ng gabi, kung saan unang napigilan ang driver ni Lee, na hindi pa pinangalanan.
Sa patuloy na operasyon ay natumbok din ang liblib na lugar sa Oras, Samar, na tinakbuhan ng dalawa at doon sila nadakip.
Hinala ng mga awtoridad na may mga taong nagkakanlong sa dalawa at tumulong sa kanilang pagtatago .
Ang pagdakip kina Lee at Raz ay bunsod ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Paz Ezperanza Cortes noong Abril 21, ng Taguig Regional Trial Court Branch 271 sa kasong serious illegal detention na isang non-bailable offense kaya malabo silang makalaya.
Pinayuhan pa ni De Lima ang iba pang akusado na sumuko na lamang upang hindi na mahirapan. Patuloy pang tinutugis sina Deniece Cornejo, Jed Fernandez at Ferdinand Guerrero. - Ludy Bermudo, Lordeth Bonilla at Joy Cantos -