MANILA, Philippines - Inihayag ng pamunuan ng Ombudsman na hindi na kailangan ang anumang testimonya ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles upang mapalakas ang kasong plunder at katiwalian ng mga mambabatas na sangkot sa multi-billion peso pork barrel scam.
Sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, sapat na ang mga testimonya ng grupo ng whistleblower na sina Benhur Luy at mga hawak na ebidensiya para suportahan ang kasong naisampa sa Sandiganbayan hinggil sa pork scam.
Tikom naman ang bibig ni Morales para magbigay ng pahayag kung nais gawing state witness si Napoles sa naturang kaso.
Kamakailan ay inihayag ng Ombudsman na nakakita sila ng probable cause para madiin sa naturang kaso sina Napoles at Senators Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada at Ramon “Bong†Revilla Jr., upang sampahan ang mga ito ng kasong plunder kasama na ang iba pang mga opisyal ng gobyerno.
Ayon kay Morales, hindi umano naghain ng counter affidavit si Napoles matapos itong sampahan ng demanda ng DOJ kung kaya parang tinanggalan niya na rin ang sarili ng karapatang makapaghain ng motion for reconsideration sa desisyon ng Ombudsman na itaas na ang kaso sa Sandiganbayan.
Matatandaang sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima noong nakaraang Martes, na handa na si Napoles na isiwalat lahat ng nalalaman sa Pork Barrel scam kapalit ng kanyang pagiging state witness subalit depende umano ito sa magiging desisyon ng Ombudsman.
Sa susunod na linggo ay magpapalabas ng pinal na resoÂlusyon ang Ombudsman hinggil dito.