MANILA, Philippines - Hiniling ni Quezon City Rep. Winston Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development na i-blacklist ang mga kontratista ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos mabigo ang mga ito sa deadline sa road reblocking sa EDSA na ikinadismaya ng mga motorista sa matinding trapiko noong Lunes ng umaga.
Ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ay bunsod sa hindi pa siyento por siyentong tapos na curing ng ilang bahaging isinailalim sa reblocking sa kahabaan ng EDSA na sinimulan bago ang Semana Santa.
Hiniling ni Castelo sa DPWH na isapubliko kung anu-anong kumpanya ng mga kontratista ang hindi nakatugon sa kanilang deadline ng trabaho dahil wala umanong mga sense of urgency ang mga ito kaya sumasabit ng interes ng publiko.