MANILA, Philippines - Upang maiwasan ang power shortage lalo ngayong summer season ay nakiusap si Pangulong Benigno Aquino III sa sambayanan na makiisa sa pagtitipid dahil sa manipis na ang reserve ng kuryente.
Ito ang sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview sa Manila North Harbor terminal complex sa Tondo, Maynila matapos ang ginawa nitong pag-iikot sa mga terminals sa Metro Manila.
Unang binisita ni Pangulong Aquino kahapon ang NAIA terminal 3 at 4 sa Pasay City upang masiguro na naipapatupad ang safety ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Semana Santa.
Kuntento naman ang Pangulo sa ginawang rehabilitation at improvement ng mga facilities sa mga paliparan pero nagtataka ito kung bakit naging matagal ang delivery ng aircon units sa NAIA terminal 1.
Humingi naman ng paumanhin ang Pangulo sa mga pasahero ng NAIA 1 sa pagkabigong maisaayos kaagad ang aircon units.