Ilog Pasig gamitin sa Visita Iglesia -MMDA

MANILA, Philippines - Upang makaranas ng kakaibang Visita Iglesia ay  iniaalok ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang inilunsad nilang “bus ferries sa Ilog Pasig” upang marating ang apat na malalaking simbahan sa Metro Manila.

Ang MMDA ay uumpisahan na ang kanilang Visita Iglesia ngayong araw na magtatagal ng isang linggo o buong Semana Santa.

Kayang magsakay ng 30 pasahero ang may 20-talampakang tugboats na may mini-bus sa loob.

Maaaring mabisita ng mga deboto ang mga simbahan ng Our Lady of Guadalupe Shrine sa Makati City; Our Lady of the Abandoned Shrine sa Sta. Ana, Maynila; Sacred Heart of Jesus Parish sa Sta. Mesa, Manila; at ang bagong kumpuning Manila Cathedral sa Intramuros, Maynila.

Ayon kay MMDA General Manager Corazon Jimenez, nag-imbita rin sila ng mga pari at madre upang umalalay sa kanilang debosyon na kakaibang Visita Iglesia.

Ang Visita Iglesia sa Ilog Pasig ay bahagi rin ng promosyon ng MMDA sa pagbuhay sa “ferry system” upang maging alternatibong uri ng transportasyon lalo na sa inaasahang mas matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila dahil sa kabi-kabilang proyekto ng pamahalaan.

 

Show comments