MANILA, Philippines - Nasugatan ang may 20 sundalo nang makasagupa ang mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa inilunsad na strike operation sa Tipo-Tipo at Ungkaya Pukan, Basilan kahapon.
Sa ulat, bandang alas-2:25 ng madaling araw nang makasagupa ng Army’s 104th Infantry Brigade (IB) ang grupo ng mga bandido sa Sitio Pansul, Brgy. Silongkum, Tipo-Tipo.
Nabatid na naglunsad ng assault operation ang tropa ng militar laban sa grupo ni Abu Sayyaf Group Commander Furuji Indama na sangkot sa serye ng terorismo, extortion at kidnapping for ransom sa lalawigan.
Nakasagupa ng mga elemento ng 3rd Scout Ranger Battalion at 18th Infantry Battalion sa ilalim ng Army’s 104th Brigade ang grupo ng mga bandido na tumagal ng 45 minuto ang putukan.
Muli na namang nakasagupa bandang alas-7:25 naman ng umaga ng mga sundalo ang nasa 60 Abu Sayyaf sa pamumuno nina Basir Kaguran at Nurhassan Jamiri sa Brgy. Baguindan, Ungkaya Pukan ng naturang lalawigan.
Ang naturang grupo ay nagsasagawa ng extortion sa isinasagawang Magcawa–Albarkha road project sa lalawigan.