MANILA, Philippines - Binurda ng saksak ang lima katao kasama na ang isang magkapatid ng isang lalaki sa Baguio City kamakalawa ng gabi.
Ang mga namatay na biktima ay nakilalang sina Jackelyn Kale Nociete, 19 anyos, estudyante; nagtamo ng 18 saksak sa katawan, kapatid nitong si Joey Nociete Jr., 9 anÂyos; 14 saksak, katulong ng pamilya na si Jonalyn Lozano, 12 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Ang dalawa pa ay ang mga batang kalaro ni Joey na sina Dave John de Guzman, 9; 12 tama ng saksak at Raymond del Mundo, 8 anyos, limang saksak naman ang tinamo.
Ang mga biktima ay pawang idineklarang dead-on-arrival ni Dr. Laoagan Rajiv sa Baguio City General Hospital and Medical Center sanhi ng tinamong maraming mga saksak sa katawan.
Sa imbestigasyon, ang krimen ay naganap sa pagitan ng alas-3:30 ng hapon hanggang alas- 6:30 ng gabi sa tinutuluÂyang unit ng pamilya Nociete sa 4th Floor, Chan Building, 3rd Kayant St. Kayang Hilltop, Baguio City.
Sa pahayag sa mga awtoridad ni Vilma Nociete, ina ng magkapatid na sina Jackelyn Kale at Joey, nagawa pang makapag-text sa kaniya ng kaniyang anak na babae pasado alas – 5 ng hapon na may bisita umano silang galit na hinahanap ang kanilang ama.
Dahil dito ay nagmamadaling bumalik sa kanilang inuupahang unit ang nasabing ginang pero nagimbal ito sa kaniyang inabutan na tadtad ng saksak ang nakahandusay na katawan ng kaniyang mga anak at iba pang biktima. Posible umanong ang nasabing bisita ang gumawa ng karumaldumal na krimen laban sa mga biktima.