Sekyu tumanggi sa salbabida, nalunod

MANILA, Philippines - Natagpuang patay sa maputik na bahagi ng Manila Bay sa Baseco ang isang sekyu matapos na ito ay malunod dahil sa pagtanggi ng salbabida na iniaabot sa kanya kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Baseco Compound, sa Port Area, Maynila.

Kinilala ang biktimang si Freddie Castor Jr., tinatayang nasa edad 35-40, residente ng no. 767 Bohol St., Brgy. Pitogo, Makati City.

Sa salaysay ng saksing si Rafael Ajero, 25, na nakita niya ang biktima dakong alas-10:00 ng gabi na magsi-swimming malapit sa Block 8, Baseco, Compound.

Ilang sandali ay napansin nito na tila nalulunod ang biktima kung kaya’t sumakay ito sa improvised banca at tinangkang bigyan ng salbabida ang biktima, subalit hinawi ito at ayaw umano tanggapin.

Kaya muling bumalik na sa mga kaibigan si Ajero at makalipas pa ang ilang minuto ay hindi na umano niya nakita ang biktima sa tubig kaya napilitang ipaalam sa barangay tanod na si  Jaime Orcine na siya namang nagsabi sa Police Community Precinct- Baseco.

Dakong alas-12:00 ng hatinggabi nang makita ang bangkay ng  biktima sa maputik na bahagi ng Manila Bay.

Show comments