MANILA, Philippines - Isa ng malamig na bangkay ng matagpuan ang isang 53-anyos na caretaker sa gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Nakadapa sa sahig at hindi na gumagalaw ang biktimang si Ricardo Guarino, stay-in sa DPWH, nang mapansin ng janitress na si Annalyn de la Cruz.
Pumasok umano sa employees barracks si De la Cruz para magpalit ng kanyang uniporme dakong alas-8:00 ng umaga nang makita niya ang nakadapang biktima sa sahig.
Nagtaka si Dela Cruz kung bakit nasa sahig ang biktima kaya nilapitan niya ito at gigisingin sana pero ng kanyang mahawakan ay matigas at malamig na ang katawan ng biktima.
Hindi pa batid ang dahilan ng pagkamatay ng caretaker, bagama’t wala namang makitang palatandaan ang pulisya na sadya itong pinatay pero nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon upang mabatid kung may foul play sa pagkamatay ng biktima.
Inilagak na sa Nathan Funeral Parlor ang labi ng biktima para sa awtopsiya at safekeeping.