MANILA, Philippines - Matapos umatras at akusahan si Customs Deputy Commissioner na si Jesse Dellosa ay posibleng makulong at madawit sa kasong libelo si Lamberto Lopez.
Ayon sa abogado ng inaakusahang si Customs Deputy Commissioner Ariel Nepomuceno na si Atty. JV Bautista, maaaring na puwersa ng ilang grupo si Lopez na iatras ang naisampang kaso laban kay Dellosa at akusahan naman si Nepomuceno upang pagsabungin lamang ang dalawa.
Sa isinampang kasong katiwalian ni Lopez laban kay Dellosa sa Office of the Ombudsman kinikikilan umano ng mga tauhan ni Dellosa si Lopez upang mabilisang mailabas ang mga kargamentong ipinasok ng kumpanya ni Lopez sa bansa.
Una umanong humingi ng P200,000 ang mga tauhan ni Dellosa kay Lopez na siya nitong pinagbigyan.
Nagulat na lamang si Lopez nang hingian pa umano siya ng ikalawang bayad o “tara†nina Dellosa kapalit ng pagpapalabas ng mga kargamento.
Nang umalma sa publiko si Dellosa, agad namang nagtungo sa Ombudsman si Lopez upang iurong ang kasong katiwalian at kanyang pag-atras ay tahasan nitong isinabit ang isang staff ni Nepomuceno na siya umanong nakiusap sa kanya na isampa ang kaso laban kay Dellosa.
Para kay Atty. Bautista, isa umanong imbento at pawang kwentong kutsero lamang ang ginawa ni Lopez. Maaari umanong napilitan itong baliktarin ang sitwasyon dahil sa takot.
Bago tinanggap ni Nepomuceno ang hamon ni Pangulong Aquino na pangunahan ang pagbabago sa Bureau of Customs ay tahimik siyang tumutulong bilang opisyales ng Kagawaran ng Tanggulan. Dati din siyang tumulong sa pagbabago sa Food Terminal Incorporated, sa ilalim ng National Food Authority (NFA).