MANILA, Philippines - Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Education (DepEd) sa dumaraming bilang ng mga drop-out na estudyante sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Armin Luistro, patuloy ang pagtigil sa pag-aaral ng ilang estudyante bunsod ng maraming kadahilanan.
Ilan aniya sa mga ito ay ang pangangailangan ng mga bata na tumulong na sa gawain o paghahanapbuhay ng magulang dala ng labis na kahirapan, habang ang iba naman ay maagang nag-aasawa.
Ang ilan naman ay dahil sa mahinang katawan sanhi ng malnutrition, paghihikahos sa buhay, matinding problema sa pamilya tulad ng paghihiwalay ng magulang at iba pa.
Iniulat rin ng DepEd na apat sa bawat 10 batang tumuntong sa Grade 1 ay hindi nakapagtatapos sa high school dahil napipilitan silang tumigil sa pag-aaral bunsod ng maagang naaatang sa kanila ang maraming obligasyon sa pamilya.
Tinatayang mahigit sa anim na milyon ang out-of-school youth sa bansa.
Kaugnay nito, ikinasa ng National Youth Commission ang Abot Alam, katuwang ang Department of Social Welfare and Development at Department of the Interior and Local Government kung saan hahanapin ang mga out-of-school at akayin na pumasok sa paaralan.