Bulacan Gov. hinihingan ng paliwanag sa uutangin na P300-M

MANILA, Philippines - Nanawagan kahapon ang Bagong Alyansang Gugupo Sa Isinagawang Katiwalian (BAGSIK) kay Bulacan Gov. Willy Alvarado na ipaliwanag muna sa mga Bulakenyo kung saan napunta ang  P1.7 bil­yong inutang ng pamahalaang panlalawigan bago ito mangutang muli.

Ginawa ng BAGSIK ang panawagan matapos itong makatanggap ng  impormasyon na naghahanda na ang pamahalaang panlalawigan na mangutang muli ng P300 milyon mula sa isang bangko.

“Sinertipikahan ni Gov. Alvarado ng urgent ang balak na P300 milyong uutangin upang mapag-usapan agad ito sa Sangguniang Panlalawigan,” ayon sa BAGSIK.

Sinabi ng BAGSIK na ayon sa kanilang mga impormante, gagamitin daw umano ang P300 mil­yon sa pagkukumpuni ng mga kalsada pero wala naman nakalagay sa anumang papeles kung anong kalsada ang kukumpunihin, ano ang diprensya at saan ito matatagpuan.

Binigyang-diin ng BAGSIK na karapatan ng mga taga-Bulacan na malaman kung saan eksakto gagamitin ang P300  milyon.

“Kaming mga taga-Bulacan ang magbabayad ng mga halagang ito, mula sa aming pinaghihirapang buwis at iba pang bayarin sa pamahalaang panlalawigan. Kailangang matiyak namin na napupunta sa wastong paggagamitan ang pera namin at hindi ibinubulsa lamang ng kung sino” pahayag pa ng BAGSIK.

 

Show comments