MANILA, Philippines - Silipin ang pagpapatupad ng Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) dahil sa umanoy maling interpretasyon sa nasabing batas kaya’t nagkakaroon ng hindi magandang pangyayari sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang panawagan ni John Patrick Matta, spokesperson ng Coron, Palawan Sangguniang Bayan (SB) sa Kongreso sa ginanap na media forum sa Rembrandt Hotel.
Anya, bagamat gusto nilang magkaroon ng magandang buhay ang mga katutubo sa kanilang lalawigan ay nababalewala lamang ang kanilang pagsusumikap dahil sa maling pagpapatupad at pagkakaintindi sa IPRA law.
Kayat sapilitan din naipasara ang isang pearl farm base sa Temporary Restraining Order (TRO) na ipinalabas ng National Commission on indigenous People (NCIP) habang ang may-ari naman ng isang first class resort ay nahingan ng P2.5 milyon para lamang makapag operate bukod pa rito ang annual fee na P500,000 kabilang ang 2% na gross sales ng resort bilang upa sa isla.
Nanawagan din si Dr. Orlando Sacay na i-repeal ang IPRA law at buwagin na rin ang NCIP (na nasa ilalim ng Office of the President) bunsod sa kawalan nito ng aksyon dahil sa kaguluhang nangyayari sa Coron at wala itong ginagawa upang mapaangat ang pamumuhay ng mga katutubo na nagagamit pa para umano makapangikil sa mga negosyante.
Nagbanta rin si Sacay na hindi maglalagay ng negosyo sa Coron hanggang hindi nabubuwag at nababasura ang IPRA na hindi nagdudulot ng maganda sa ekonomiya at sa halip ay natatakot pa ang mga investors.