Kahirapan, panggigipit ‘di na matiis... Palasyo papasukin ng Piston

MANILA, Philippines - Tatangkaing pasukin ng grupo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Natiowide (PISTON) ang palasyo ng Malakanyang ngayon araw na ito sa kanilang ikinasang malawakang kilos pros­testa dahil umano sa hindi na nila matiis ang tumitin­ding kahirapan at panggigipit ng pamahalaan sa kanilang hanay.

 Ayon kay PISTON National President George San Mateo, sinasamantala umano ng pamahalaang Aquino ang mga drayber at maliliit ng operator na kumikita lamang ng kakarampot na salapi para pambuhay sa kanilang pamilya.

 Sinabi ni San Mateo, iba’t-ibang porma ng kilos protesta ang kanilang gagawin ngayon araw, kung saan sa Metro Manila ay isang malaking transport protest caravan na papasok ng Malakanyang ang aarangkada, para idulog kay Pangulong Benigno Aquino III ang kanilang karaingan.

Magtitipon muna ang caravan sa harapan ng tanggapan ng Natio­nal Housing Authority (NHA) ng alas-8:00 ng umaga bago magsimulang umusad patungo sa Malakanyang dala ang kanilang pampasaherong jeepney at UV express.

Inihayag ni San Mateo, ang kanilang caravan ay sasabayan ng kilos protesta ng kanilang mga kasapi sa Santiago City, Tuguegarao City, Baguio, Laguna, Batangas, Camarines Norte, Albay, Naga,  Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Cebu, Gene­ral Santos, Davao at Cagayan De Oro.

 Binigyang-diin ni San Mateo na maydala silang pormal na sulat kay Pangulong Aquino upang igiit ang  pagpapatupad ng P6 Fuel discount sa diesel, gasolina at auto-LPG para sa lahat ng Public Utility Vehicles (PUV’s) partikular sa mga duly-franchised na jeepney, multicab, AUV Express, Metered Taxis. Metro at Provincial Bus.

 Ito anya ay upang matulungan ang mga drayber at iba pang manggagawa sa transport sa harap ng patuloy na mataas na presyo ng diesel, gasoline at auto-LPG na siyang ginagamit na petrolyo sa mga pampublikong sasakyan.

Ang kahilingan ng PISTON ay nais nilang idiretso sa Pangulo upang maiwasan ang pagkakaroon ng mataas na si­ngil sa pamasahe at hindi na sila maging dagdag-pasanin sa dumaraming bilang ng mga naghihikahos na mamamayan.

 

Show comments