Paslit napatay ng tatay... trahedya sa bill ng kuryente

MANILA, Philippines - Aksidenteng napatay ng isang ama ang kanyang 8-anyos na anak na la­laki habang nasugatan ang isa pa nitong anak na babae matapos itong magpa­putok ng baril nang magkaroon ng diskusyon sa kanyang pamilya tungkol sa hatian sa bill ng kuryente kamakalawa sa Brgy. Sto. Niño, Toledo City, Cebu.

Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa Balamban District Hospital ay kinilalang si Michael Miñoza na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Nilalapatan naman ng lunas ang nakababata nitong kapatid na si Angel na tinamaan ng bala sa kaliwang braso.

Ang suspek na agad naaresto at nahaharap sa kasong parricide at frustrated parricide ay kinila­lang si Bobby Miñoza, 30, mangangalakal ng basura.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-9:45 ng umaga ay nag-aalmusal ang pamil­ya nang  magkaroon nang pagtatalo ang suspek at kapatid nitong si Lio­nesa Miñoza at inang si Valen­tina tungkol sa hatian sa bayarin ng kuryente.

Nabatid na sinisingil umano ng suspek at ina at kapatid ng tig-P400.00 para mabayaran na ang kanilang bill sa kuryente gayunman ay walang maibigay ang mag-ina bunsod upang magalit at magwala ang suspek.

Kinuha ng suspek ang kaniyang nakatagong  improvised na baril o sumpak­ at walang habas na nagpaputok na tumama sa kaniyang dalawang anak na ikinasawi ng isa sa mga ito.

Sising alipin naman ang suspek sa pagsasabing nagpaputok siya ng baril pero hindi niya ninais patamaan ang dalawang anak.

Show comments