MANILA, Philippines - Dapat ay dagdagan ang pangil ng batas laban sa mga kriminal na labas-masok sa kulungan o yung mga recidivist criminals.
Ito ang inihayag ni Chief Superintendent Richard Albano, director ng Quezon City Police District, bilang tugon sa kaso ng naarestong lider ng gapos gang na si Jonathan Cuya.
Anya si Cuya ay marami nang kaso, subalit paulit-ulit lamang na naaaresto at mabilis ding nakakalaya dahil na rin sa mahinang batas na pinaiiral dito para makasuhan.
Hiniling ng opisyal sa mga mambabatas na mag-amyenda ng batas na hindi na maaaring makapag-piyansa ang itinuring na recidivist criminals.
Si Cuya ay nadakip nitong Miyerkules kasama ang apat pang miyembro nito habang nagbabakasyon sa isang resort sa Olongapo City matapos ang pag-atake sa isang bahay sa Quezon City noong Lunes.
Si Cuya ay 23 na taong gulang at teenager pa ito noong 2009 nang magsimula sa kanyang operasyon.
Ang kasong isinampa kay Cuya ay robbery in band at maaaring makalabas din ito sa sandaling makapag-piyansa.