100 sasakyan naabo... Impounding area natupok

Sinusuri ng caretaker ng impounding area na si  Arturo L. Habulan, 58, ang mga naabong sasakyan na umaabot sa mahigit 100. Ilan sa mga nasunog na sasakyan ay pampasaherong jeep at taxi. -Wires-

MANILA, Philippines - Mahigit kumulang na 100 sasakyan ang naabo matapos masunog ang isang pribadong impoun­ding area na pag-aari ng isang towing company sa Pasay City kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Fire Inspector Douglas Guiyab, ng Pasay City Police, dakong alas-5:00 ng umaga nang masunog ang impoun­ding area na pag-aari ng Sou­thern Crescent Towing Company,  na matatagpuan sa Gil Puyat Avenue, malapit sa Diokno St., ng lungsod.

Bigla na lamang su­miklab ang naturang impounding area dahilan upang masunog ang humigit kumulang sa 100 sasakyan na kinabibilangang ng ilang pampasaherong jeep, taxi at AUV.

Ang mga nasunog na sasakyan ay pawang na-impound mula sa illegal parking noong 2012 na siyang huling pag-operate ng Southern Crescent To­wing  Company at uma­bot ng isang oras bago naapula ang sunog alas-6:00 ng umaga.

Ayon sa caretaker ng impounding area na si Arturo Habulan na matagal nang pinaaalis sa naturang lugar ang impounding services at Oktubre 2013 nang makatanggap ng eviction notice ang may-ari nitong si Wilfredo Baltazar pero tumangging lagdaan ito.


Nabatid pa rito, na isang notice  mula sa National Construction Corporation kaugnay ng halos P1 mil­yong upa sa lupa na hindi nabayaran ng natu­rang to­wing company hanggang noong Agosto 2013.



Inaalam pa ng mga otoridad kung magkano ang halaga nang napinsala at iniimbestigahan kung sinadya o aksidente lamang ang nasabing sunog.

Show comments